SANTA CRUZ, Marinduque (PIA) -- Sa ilalim ng Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB) na programa ng Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque, naigawad sa mga benepisyaryo mula sa limang bayan ng lalawigan ang mga livelihood kits at iba pang benepisyong hatid ng kanilang tanggapan.
Nauna nang napagkalooban ng nasabing programa ang 10 sari-sari store owners; isang food cart owner; at isang hog farmer mula sa bayan ng Mogpog.
Samantala, 15 may-ari ng sari-sari store at dalawang hog farmer naman ang nakatanggap sa munisipalidad ng Buenavista.
Bukod dito, 10 sari-sari store owners sa Torrijos, habang kabuuang 34 ang nakatanggap sa mga bayan ng Santa Cruz at Gasan.
Kamakailan lamang, 41 benepisyaryo naman mula sa bayan ng Boac ang nabiyayaan ng naturang livelihood kits.
Ang paggagawad ay ginanap sa limang munisipalidad sa Marinduque na pinangunahan ni Joel Valera, regional director ng DTI-Mimaropa na personal na bumisita sa probinsya.
"Ito pong mga livelihood kits na ito ay talagang makatutulong sa inyo sapagkat naglalaman ito ng mga produktong pandagdag sa inyong mga tindahan para makabangon at magpatuloy ang inyong mga negosyo," ani Valera.
Layon ng nasabing programa na maging tulay sa mas malawak na pag-abot ng tulong sa pagpapaunlad ng negosyo sa pamamagitan ng paglalapit sa mga serbisyo ng pamahalaan sa mga tao sa pagtutulungan ng LGU at mga opisyal ng DTI. (RAMJR/ENSJR/ PIA MIMAROPA)
No comments: