BOAC, Marinduque (PIA) -- Aabot sa 70 bagong talaga at 'promoted' na empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang sabay-sabay na nanumpa sa tungkulin sa harap ni Gov. Presbitero Velasco, Jr., kamakailan.
Ayon kay Velasco, nararapat lamang na ibigay sa mga bagong kawani at na-promote na empleyedo ang tamang pagkilala at pagpapahalaga sa mga sakripisyong ginawa nila sa larangan ng serbisyo-publiko.
"Malaki ang utang na loob ko sa ating masisipag na kawani ng pamahalaang panlalawigan sapagkat hindi natin malalampasan ang mga pagsubok na ating kinahaharap lalo na ang pandemya bunsod ng COVID-19 kung hindi sa tulong, dedikasyon at sakripisyo ng bawat isa," anang gobernador.
Ang mass oath-taking ceremony ay inorganisa ng Provincial Human Resources Management Office sa pangunguna ni Blair Dimaano, bagong officer-in-charge ng HRMO.
Naging kabahagi din sa programa si Jeffrey Cruz, provincial director ng Civil Service Commission-Marinduque Field Office.
Sinaksihan naman ang nasabing gawain ng mga kaanak at kaibigan ng mga 'newly hired at promoted' na empleyado ng Marinduque provincial government. (RAMJR/PIA MIMAROPA)
No comments: