BOAC, Marinduque, Nov. 4 (PIA) — Sa isang panayam kasama ang Provincial Veterinarian na si Dr. Josue Victoria at si Dr. Ermyn Ermitanio mula sa Department of Agriculture Bureau of Animal Industry, napag usapan ang mga paraan upang labanan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan ng Marinduque.
Ayon kay Dr. Victoria, ang tanging paraan lamang upang masugpo ang ASF sa isang lugar ay ang paglipon ng mga baboy, katulad sa ginawa sa Batangas, Cavite, Laguna, at iba pa.
Sinabi naman ni Dr. Ermitanio na walang gamot o bakuna laban sa ASF kung kaya’t prevention o pag-iwas lang ang magagawa upang labanan ito.
Upang maiwasan ang pagkalat ng ASF, ang mga alagang baboy ay hindi dapat pinapalipat-lipat ng lugar. Hindi dapat sila nalalapitan ng mga tao o ibang hayop, at inakailangang panatilihing malinis ng mga bahay alagaan ng mga baboy.
Dapat ding iwasan ang papapakain ng sagmaw sa kadahilanang may posibilidad na ang makain ng baboy ay mayroong dalang virus.
Mahalaga ring malaman ang mga sintomas ng ASF sa mga baboy, at ito ay ang mga sumusunod:
biglang panghihina,
ayaw kumain,
ayaw bumangon,
nagkakaroon ng bughaw na discoloration sa katawan,
nahihirapan huminga,
may lumalabas na dugo sa ilong,
may lumalabas na dugo sa ari,
nagkakaroon ng early aboriton, at
lagnat.
Kung napansin ang mga sumusunod na sintomas ay dapat ipabigay alam agad ito sa Municipal Agriultural Office (MAO) at sa Provincial Veterinary Office upang mabigyan ng karampatang aksyon.
Sa pagkakataon naman na ang alagang baboy ay nakumpirma nang mayroong ASF sa pamamagitan ng PCR test, dapat iwasan na magpasok ng ibang baboy o tao sa farm. Ang baboy na mayroong ASF ay hindi na dapat ipinapalipat lipat ng barangay.
Mahigpit na ipinagbabawal rin ang pag katay agad ng baboy pag ito ay pinaghihinalaang may ASF dahil pwedeng mailipat ang infection sa ibang baboy.
“Napakabilis ng pagkalat nito, kaya nga simula’t simula pa, nakikiusap na tayo sa mga kabarangayan mula pa nang pumutok ang ASF sa Rizal sa mainland Luzon ay ipinagbabawal na natin ang pagkatay ng mga baboy sa mga kabarangayan dahil ngaito ang nagiging dahilan sa mabilis na pagkalat sa iba pang mga barangay,” aniya ni Dr. Victoria.
Ang mga sumusunod ay mga apektadong barangay ng ASF sa Marinduque:
Brgy. Dampulan, Torrijos
Brgy. Bagakay, Buenavista
Brgy. Timbo, Buenavista
Brgy. Dikasdikas Buenavista
Brgy. Libas, Buenavista
Brgy. Kwatro, Buenavista
Brgy. Yuok, Buenavista
Brgy. Lipatay, Buenavista
Ang mga nasabing barangay ay naka quarantine at pinagbabawalan magkatay ng baboy hanggat hindi natitiyak na na-contain ang ASF sa mga lugar na ito.
Sa pagkakataon naman na namatay na ang baboy mula sag ASF, dapat icoordinate muna ito sa Municipal Agriculture Office (MAO) upang magkaroon ng proper recording sa mga baboy na namatay sa ASF.
Mayroon ding tamang proseso sa paglibing ng mga ito, tulad ng paglagay ng apog at ang sukat ng paglilibingan na anim o pitong talampakan. Ito ay dahil posible pang kumalat ang virus pag nahukay ang baboy kahit na ito ay matagal nang patay.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang batas upang makatulong sa pagpigil ng pagkalat ng ASF sa bansa. Ito ay ang Republic Act 9496 na inamyendahan ng Republic Act 10536 na sinasabing ang pagkatay ng mga baboy sa mga barangay na hindi dumaan sa bahay katayan ay maaring magdulot ng parusa.
Mayroon ding proteksyon ang mga taga-alaga ng baboy upang hindi sila malugi sa pagkakataon na matamaan ang kanilang baboy ng ASF. Kung sila ay nakarehistro sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), may makukuha silang insurance o ayuda para sa mga baboy.
Aniya dapat ay nakarehistro rin sila sa Registry System for Basic Agricultural Sector (RSBSA) na basehan ng PCIC upang magqualify sa insurance ang mga baboy, ngunit ayon kay Dr. Victoria, kung kumpirmado nang may ASF ang baboy ay hindi na ito maaaring magparehistro.
Malaking industriya ang nakasalalay dito sapagkat 78% ng 49k households dito sa Marinduque ang nag aalaga ng baboy.
Ang Marinduque ay sumailalim na sa State of Calamity dahil sa African Swine Fever at ito ay isinagawa upang matulungan ang local government units sa pag kontrol at pagpigil ng ASF.
No comments: