BOAC, Marinduque (PIA) -- Pormal nang ipinagkaloob ng Philippine National Police (PNP) ang pitong karagdagang patrol vehicle para sa kapulisan ng Marinduque.
Mismong ang bagong talagang hepe ng PNP na si Police General Dionardo B. Carlos ang bumisita sa lalawigan para personal na ibigay sa Marinduque Police Provincial Office (PPO) ang nasabing mga sasakyan.
Ayon kay Carlos, sa ilalim ng kanyang administrasyon ay pipilitin n'yang maibigay ang mga pangangailangan ng bawat 'police station' sapagkat ito aniya ang mukha at puso ng pambansang pulisya.
"Ang mga sasakyan pong ito ay malaki ang maitutulong sa ating mga kapulisan para makapagbigay ng maayos na serbisyo sa buong isla ng Marinduque," pahayag ni PGen. Carlos.
Ang anim na patrol vehicles ay ibibigay sa anim na municipal police stations habang ang isa ay para naman sa Marinduque PPO.
Samantala, bago ang turn-over ay isinagawa muna ang pagbabasbas sa naturang mga behikulo na sinaksihan nina House Speaker Lord Allan Jay Velasco, Gov. Presbitero Velasco, Jr. ilang mga alkalde at opisyal ng PNP.
Inaasahang magagamit ng kapulisan ang patrol vehicles sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga pamayanan gayundin ang pagtataguyod ng kanilang seguridad at kaligtasan. (ENSJR/RAMJR/PIA MIMAROPA)
No comments: