Motorcade caravan para sa 3 araw na National Vaccination Day, isinagawa sa Marinduque


BOAC, Marinduque (PIA) -- Bilang pakikiisa sa gaganaping National COVID-19 Vaccination Days sa darating na Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, nagsagawa ng motorcade caravan ang Provincial Department of Health Office (PDOHO) sa buong lalawigan ng Marinduque nitong Biyernes.

Ayon kay Dr. Rachel Rowena Garcia, Provincial DOH-Officer, layon ng gawain na mahikayat at mabigyan ng tamang kaalaman ang mga mamamayan sa kahalagahan ng pagpapabakuna kontra COVID-19.

Rotary Club of Marinduque North
Nakiisa ang Rotary Club of Marinduque North sa motorcade caravan

"Tayo po ay iikot sa bayan-bayan para ipaalam sa ating mga kababayan na ang tatlong araw na National Immunization Days ay magsisimula na sa Lunes hanggang Miyerkoles kung saan ay inaasahan po namin na iyong mga hindi pa nababakunahan ay lumabas na ng kanilang mga tahanan upang magpabakuna," ani Garcia.

Samantala, bago magsimula ang caravan ay nagkaroon ng maikling programa sa provincial capitol compound na pinangunahan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr.


Sinabi ni Velasco na kailangang magkaisa ang bawat ahensya ng gobyerno, pribado at sibikong organisasyon sa paglaban sa pandemya.

"Dapat po talagang sama-sama, makabago at magaling ang ating mga estratehiya para maabot natin kaagad ang herd immunity sa lalawigan," pahayag ni Velasco.

Dagdag pa ng gobernador, mula sa dating 3,000 daily target individual, kailangang makapagbakuna nang hindi bababa sa 10,801 katao sa Marinduque kada araw. (RAMJR/PIA MIMAROPA)

Motorcade caravan para sa 3 araw na National Vaccination Day, isinagawa sa Marinduque Motorcade caravan para sa 3 araw na National Vaccination Day, isinagawa sa Marinduque Reviewed by PIA-MARINDUQUE on November 28, 2021 Rating: 5

No comments:

ads 728x90 B
Powered by Blogger.