GASAN, Marinduque (PIA) -- Kung dati ay hanging bridge lamang ang dinaraan ng mga mamamayan sa Barangay Bahi sa bayan ng Gasan, ngayon ay konkreto, maayos at ligtas na ang daan na kanilang magagamit matapos pasinayaan ang bagong gawang tulay doon, kamakailan.
Mismong si Gov. Presbitero Velasco, Jr., ang nanguna sa inagurasyon ng Bahi Bridge kasama ang kapitan ng barangay at ilang mga opisyal mula sa pamahalaang panlalawigan.
Ayon kay Velasco, malaking tulong para sa mga mamamayan ang binuksang bagong tulay sapagkat mapabibilis na ang pagbiyahe ng mga produkto at kargamentong inaangkat ng mga residente sa naturang lugar.
"Napaka-importante po na malagyan ng konkretong tulay sa inyong purok dahil dito matatagpuan ang Arrowroot Processing Facility na proyekto rin ng pamahalaang panlalawigan. Ito po ay matagal ng hiling ng ating mga kababayan kaya pinagpilitan po natin itong maisakatuparan na kaagad," pahayag ng gobernador.
Umabot sa P12 milyon ang pondong inilaan ng pamahalaang panlalawigan para maisakatuparan ang napakahalagang proyekto.
Labis naman ang pasasalamat ni Felipe Samarita, kapitan ng Barangay Bahi dahil natugunan na ang kanilang kahilingan.
"Ako po ay nagpapasalamat dahil nagawa na ang tulay na ito. Tuwing dumarating po kasi ang bagyo ay nahihirapang lumikas ang ilan naming kabarangay patungo sa evacuation center dahil tumataas po ang tubig sa ilog sa purok na ito," ani Samarita.
Dagdag ng kapitan, mapakikinabangan ang bagong gawang tulay ng humigit 2,000 residente ng barangay. (RAMJR/PIA MIMAROPA)
No comments: